Paghampas ng lumipas
Edlyn Angela S. Salas

Napakahirap isipin na sa dinami-dami ng mga pagsubok na kinakaharap ng ating bansa, nakuha parin ng ating Pangulo ng mga Senado na pakialaman ang mapayapang pambansang awit na Lupang Hinirang. Si Vicente “Tito” Sotto III ang nanguna sa pagbabalak na nagaganap sa kasulukuyan.
Sa pagharap ng Pilipinas sa mga dagok nitong nararanasan, imbes na tayo’y maka-angat ay unti-unti tayong lumulubog pailalim. Nakasaad sa batas Republic Act 8491 o kilala rin bilang The Flag and Heraldic Code na mayroong eksaktong disenyong nakalagda sa watawat at kumpletong salita ng Lupang Hinirang. Bilang pagrerespeto, dapat tayo’y magbigay galang sa tuwing ito’y ipinapatugtog at hindi rin dapat ito niloloko.
Kahirapan ang aksyunan at hindi ang mga bagay na alam naman nating maayos pa. Napagpasyahan ni Tito Sotto na palitan ang “ang mamatay ng dahil sa’yo” ng “ang ipaglaban ang kalayaan mo.” Ang katagang ito ay nasa bandang huli ng awit ng kinumpuni ni Jose Palma noon 1899. Dapat isaisip na huwag itong pakialamanan sapagkat iniwan pa ito sa atin ng ating ninuno.
Maraming hindi sumang-ayon kay Sotto ngunit kahit papaano’y may pumanig sa kanya gaya na lamang ni Richard Gordon at pati na rin ang kanilang partido. Balak din nilang dagdagan ang sinag ng ating araw sa watawat. Hindi dapat ipinagkakalulo ng ating mga kasalukuyang pinuno ang estado ng ating bansa.
Kaya namang paunlarin ang ating bansa kahit hindi ginagawa ang mga bagay na nagaganap sa kasalukuyan. Parang pinalitan na rin natin ang nakasaad sa nakaraan kung papalitan ang mga salita sa ating pambansang awit at kapag dinagdagan ang sinag ng araw sa ating watawat. Kay sarap balik-balikan ang mga ala-ala ng nakaraan lalo na kung nariyan lamang sila’t na maya’t mayang pinagmamasdan.
Naiwan sa ating memorya, inukit sa ating puso at nakakumpas sa ating mga ala-ala ang bakas ng kahapon na minsan ng nagwakas.


