Huling hirit, huwag nang ipilit
Edlyn Angela S. Salas
Isang kalbaryo kung maituturing ang sitwasyon na pagpapabasura sa mga karag-karag na jeep para sa mga tsuper na naghihirap. Sa pagsapit ng 2020, inaasahan na ang pag-arangkada ng mga modernong sasakyan dahil ang pangunahing layunin ditto ay ang kaligtasan ng kalikasan at mabawasan ang polusyon na nararanasan.
Maaari pa namang gamitin ang lahat ng Public Utility Vehicle (PUV) hanggang 2020 habang ipinapatupad ito. Ang pagbibigay ng tyansa sa mga tsuper ay makatutulong dahil sila’y magkakaroon ng pagkakataon upang makapaghanda sa nalalapit na pagbabago. Ang mga namamasada ang may pinakamalaking paghihirap dito dahil hindi lahat ay may kakayahang bumili ng mas moderno.
Umaabot sa 200,000 units o 50% ang bilang ng mga rehistradong PUV dito sa Pilipinas kaya inaasahan na mahirap para sa kanila ang hamon ng pagpapatupad ng modernization program. Nakakalungkot isipin ngunit sa ganitong paraan ay makatutulong sa pag-ambag ng pagpapaayos at pagpapaganda ng kapaligiran. Hindi man natin ito aanihin ngayon ngunit malalaman nalang natin ang kahalagahan nito sa mga susunod na henerasyon.
Nagpahayag ang gobyerno na sila ay tutulong. Sila’y magbibigay ng subsidy na pambili ng makabagong sasakyan at babayaran ito sa gobyerno sa loob ng pitong taon at may patong na anim na porsyento para sa interes rate. Layunin lamang nila na maging mabuti ang kalagayan ng ating iniirog na kalikasan.
Kinabukasan natin ay dapat nating alalahanin at siguraduhin sapagkat ito ang pinakaimportante sa lahat. Isipin nalang natin na ang lahat ng ito ay may magandang epekto para sa lahat. Hindi man natin ito mapapansin ngayon ngunit malalaman natin ang lahat ng ito sa susunod na kabanata ng ating buhay.
Pag-isipan natin ng mabuti ang mga maaaring epekto ng ating mga ginagawa sapagkat maaaring ang mga iba dito ay makakasama.
